‘Nanay, nagdilang-anghel po kayo! Ako po ang nanalong Mrs. Universe 2019!’ – Patricia Javier
By Cristy Fermin
Bandera
September 12, 2018 at 12:01 am


LINGGO nang umaga ay nakatanggap kami ng text message mula kay Patricia Javier, “Nanay, nagdilang-anghel po kayo! Ako po ang nanalong Mrs. Universe 2019!”

Ilang araw bago ginanap ang beauty pageant para sa mga nanay ay dumalaw muna si Patricia at ang kanyang mga kapwa kandidata sa “Cristy Ferminute.”

Pagkatapos naming sipating mabuti ang mga kandidata ay binulungan namin si Patricia nu’ng paalis na sila, siya ang kokoronahang Mrs. Universe, wala nang iba.

Bukod sa kagandahang pang-beauty pageant talaga ay matalino si Patricia Javier, kilala na ring si Genesis Walcher, dahil mister niya ang sikat na chiropractor na si Dr. Rob Walcher.

Biyernes nang hapon ay nag-guest din sa “CFM” si Dr. Rob, napakapositibo ng kanyang sinabi, “Tomorrow, we will all be there to support my wife. She’ll gonna go home happy.”

Maganda ang layunin ni Patricia nang sumali siya sa Mrs. Universe pageant. Gusto niyang isulong ang matagal na nilang adhikain ng kanyang mister na doktor para pahalagahan ng ating mga kababayan ang wellness, health at beauty.

Napakagaling at pinipilahan ang dalawang clinic ni Dr. Rob Walcher (Quezon City at Makati) dahil tunay namang marami itong natutulungang may problema sa anumang aspeto basta may kuneksiyon sa buto.

Ang sarap-sarap “magpaputok” ng mga buto ni Dr. Rob, uuwi kang maginhawang-maginhawa, dahil kumbaga sa sasakyan ay muling na-align ang iyong mga buto sa buong katawan.

Maligayang bati, Genesis Walcher, panalo!

Subscribe to INQUIRER PLUS to get access to The Philippine Daily Inquirer & other 70+ titles, share up to 5 gadgets, listen to the news, download as early as 4am & share articles on social media. Call 896 6000.

View Comments